Thursday, December 01, 2005

A Poignant Pichay Poem

Below is a poem a friend of mine, Nicolas Pichay, wrote (and subsequently published) several years ago. I thought it’s an appropriate poem to mark World AIDS day today.

NAALALA KO ANG ISANG KUWENTO NI FRANZ

ni Nicolas B. Pichay

Pagkatapos manood ng The Quilt Project, dokumentaryo tungkol sa paglaganap ng AIDS sa Amerika.


[Para kay Franz Arcellana]

Nakita ko ang pagbuklat nila
Sa natuping tela,
Pinagdugtung-dugtong na panyo
Na sumasapo ng panangis.
Binubukadkad ng mga anak,
Kaibigan, magulang, asawa,
Kapatid, mangingibig
Ang mga bandila ng mga tinigpas
Sa rurok.
Isinasabay nila
Sa pagsikat ng araw
Ang paglalatag ng lumalawak na kumot.
Sa tahimik ng umaga,
Paulit-ulit na tinatawag
Ng mga naiwanan
Ang higit sa daang libong pangalan.
Mas mahaba na ngayon
Ang listahan
Kaysa sa mga namatay
Sa dalawang digmaang pandaigdig.
Hindi nalalayo ang mga alaala nila
Sa laman ng pasiking ng ating karanasan.
Bulalakaw, dilim, tumbang preso,
Manyika, pagpapanggap, kasoy sa Antipolo
Pagtatagpo, sikretong halik, hiwaga sa Agoo.
Narito ang mga puntod
Ng kapwa manluluwas, hinabi
Ng mga babaeng nagsilang ng mundo
Katulad ng gawain ng mga paruparo
Kung gusto nilang magpalit ng pakpak.
Nangusap sa akin ang mga kuwentong
Nakaretablo sa kumot
Nagmantsa ang mga ngiti
Ng mga larawan na nakadikit doon.
Tulad ng imahen sa
Tela ng Turin,
Pinagdududahan pa rin
Ng mga pangulo, pari, at sundalo
Na libo-libong buhay
Ang nakabakat doon.
Sa pag-akyat ng araw,
Nailatag na ng mga nagluluksa
Ang dagat
Ng bahaghari.
Umaalon-alon na belo,
Naghihintay ng anghel na sasalubong
At magbababa ng luksa.
Sa malayo, pinatutugtog
Ang mahinang taghoy ng trumpeta.
Nagagalit ang isang ama
Sa ganda ng unang bugso
Ng ulan ng Mayo.
Doon ko naalala ang mga banig
Sa kuwento ni Franz—
Nagsilang ng mga sigaw
Ang isang pangalang
Masinop na inihabi
At ang mga bulaklak,
Ang kay dami-daming uri ng bulaklak
Na umusbong at nakapalibot doon.