Mahal na Rene:
Ang saya-saya kahapon, 'no? Panalo ang burol mo: kakaiba, nakakaaliw, nakakabaliw. Parang ikaw. At aminin mo, panalo din ang hinandog naming parangal sa iyo, ha? Sabi nga ni Luna pagkatapos, parang bi-polar ang mga taga TELON at Writers Bloc noong oras na 'yon. Sa isang sandali, halos mapapahikbi, mapapaluha, mapapangawa kami. Tapos, bigla-biglang may hihirit, may magbibitiw ng punchline, at mapapatawa kami. O 'di ba, hanep sa shift?
Tulad ng emcee natin, si Nick. Aba, mga lima, anim na beses yata siyang napahinto sa kanyang monologue dahil pinipigil niyang sarili niya na huwag umiyak. Pinipigil ang sarili na huwag maging Charito Solis ang pagluluksa. Pero ayaw mo no'n, 'di ba? Gusto mo Lolita Rodriguez ang drama: tahimik, poised, pero powerful. Pero si Nick being Nick, kailangang may malutong na one-liner. Hindi lang isa, kundi dalawa, tatlo, apat, lima. At syempre, ano'ng magagawa ng madla kundi tumawa nang tumawa? I'm sure nabigla ang mga kapitbahay mo sa Sanctuarium sa ingay: Ano ba 'to, funeral hotel o comedy/sing-a-long bar?
Siyempre, ang mga ibang nag-testimonial, naki-standup na rin. Si Jun, na ang huling sinabi niya'y ang huling sinabi mo doon sa burol ni Charley noon: na lahat ng mga iskrip naming pangit, isasama sa paglibing mo. Pero naku, Rene, kilala kita: mumurahin mo kami pag ginawa namin 'yon: "Hoy, mga punyeta! Huwag niyong itambak ang mga letseng iskrip ninyo dito! 'Di ko kailangan 'yan! Peperwisyuhin niyo pa ako, patay na nga ako!" Tapos 'yung mga kasama mo sa TELON. Sina Joey at Luna. Sina Ipat at Tim. Si Dennis, na sinabihin mo nito na: "You'll be famous, but you'll never be great!" Classic. Sina Allan at Lallie, na siguro matagal nang nag-shift sa Forestry course noon kung hindi mo siya naimpluwensyahan. Si Anna.
At dahil parang comedy/sing-a-long bar ang feel ng tribute, may mga kantahan din, salamat kina Rody--in full Sister Stella L./"Manggagawa" mode, ha--at Niel, na feel na feel ang kinanta niya, with matching gestures. At syempre, hindi mawawala ang mga excerpted readings mula sa mga ilang dula mo. May Isang Sundalo. Hiblang Abo. Walang Himala.
Sa mga oras na 'yon, hindi ko rin maiwasang maalala ka, maalala ang naging relasyon ko sa iyo: saan at kailan nagsimula (1993 o 1994, sa dating opisina ng PETA sa Little Baguio, San Juan; mga disinuebe o bente anyos ako no'n), kung paano tayo nakikitungo sa isa't isa. Katulad ng karamihan, naging mahalagang impluwensya ka sa akin bilang isang manunulat. Paano naman hindi, 'di ba? Pero may ikukumpisal ako: ako lang siguro ito, pero may suspetsa ako na hindi gano'ng kataas ang pagtingin mo sa akin bilang mandudula, sa kakayahan kong lumikha ng drama. Hindi naman kita masisisi do'n: madalang akong magsulat ng dula at magpabasa sa Bloc. Hindi mo naman gusto ang mga naisulat ko. Sa katunayan, sabi mo nga sa akin pagkatapos mong panoorin ang First Snow of November: "Napaka-melodramatic. Parang high school." Obviously, hindi rin ako nakatakas sa matalas mong dila. Pero OK lang, sinanay mo naman ako pagdating diyan. At nakita ko naman ang punto mo.
Ganunpaman, dama ko ang pagrespeto mo sa akin: bilang mandudula, bilang kapwa kasapi ng Writers Bloc, bilang kaibigan. Galing sa iyo, malaking bagay 'yon. Kahit ang dami mo nang nakamit na parangal sa larangan ng panitikan, pantay ang pagtrato mo, hindi lang sa akin, kundi sa mga iba nating mga kaibigan sa grupo.
Malungkot man ako na wala ka na, hindi kong maiwasang makaramdam ng konting kasiyahan. Bakit? Dahil nakuha mo na ang gusto mo. Matagal ka nang handang tumawid sa kabila. Matagal ka nang nasa departure area. Wala ka nang kailangang patunayan. Hindi ka na mahihirapan sa kalusugan mo. Sa loob ng limampu't tatlong taon ay marami kang napaiyak, napatawa, napaisip, napahanga, napamangha sa mga sinulat mo. Iilan lang ang kayang tapatan ang mga nagawa mo sa buhay. May ipagyayabang ka talaga. Ang hindi mo lang maipagyayabang ngayon siguro ay ang katawan mo. Abo ka na, 'no?
Maraming, maraming salamat, Rene: sa mga aral, sa respeto, sa tulong, sa pagkakaibigan. Bumaba man ang telon sa entablado ng buhay mo, tuloy pa rin ang pagtatanghal ng alaala mo sa aming mga isipan. Ikamusta mo na lang ako kay Charley, ha? Sigurado akong marami kayong pagkukuwentuhan, at magdamagan 'yan. Labindalawang taon yata na kayo hindi nagkikita. Mag-enjoy ka diyan, saan ka man.
Nagmamahal,
Alvin
Labels: death, friends, letters